Robredo sa UPB Class of 2024: tumindig, makipagkapit-bisig
"Itinanim sa ating edukasyon ang dangal at husay. Sa dalawang ito, mas mabigat ang panawagan ng dangal. Tayong mga produkto ng [UP] ay tinatawag na tumindig sa unahan, makipagkapit-bisig, at maging boses ng ating mga kababayan. Dito nagka…
Ang dating Pangalawang Pangulo ng Pilipinas Maria Leonor "Leni" Robredo sa kaniyang talumpati para sa mga magsisipagtapos sa UP Baguio noong ika-24 ng Hulyo. (Kuhang larawan ni Jonathan Madrid, UP MPRO)
"Itinanim sa ating edukasyon ang dangal at husay. Sa dalawang ito, mas mabigat ang panawagan ng dangal. Tayong mga produkto ng [UP] ay tinatawag na tumindig sa unahan, makipagkapit-bisig, at maging boses ng ating mga kababayan. Dito nagkakaroon ng kabuluhan ang dangal at husay." Ito ang mariing pahayag ni Atty. Maria Leonor "Leni" Robredo, dating pangalawang pangulo ng Pilipinas at kasalukuyang tagapangulo ng Angat Buhay Inc., sa kaniyang talumpati sa ika-22 seremonya ng pagtatapos ng UP Baguio (UPB) noong ika-24 ng Hulyo. "Ang Pamantasan ay nakatindig, dahil at para sa sambayanan," aniya.
Ang liwanag ng kandilang sumasagisag sa karunungan ay ipinangsisindi sa iba pang kandila sa natatanging tradisyon ng pagtatapos sa UP Baguio—ang Ritwal ng Pagtatanglaw. Ang pagpasa at pagdami ng ilaw ay simbolo ng pagpasa at pagpapalawak ng karunungan. (Kuhang larawan ni Jonathan Madrid, UP MPRO)
Dagdag ni Robredo, na nagtapos ng BA Economics sa UP Diliman noong 1986, ramdam niya ang tagumpay ng mga magsisipagtapos hindi lamang dahil siya ay kapuwa iskolar ng bayan, ngunit dahil "ang tagumpay ng bawat isa sa inyo ay itinuturing na tagumpay ng sambayanan. Binibigkis kayo ng inyong pinagsikapang Sablay sa ating mga kapuwa Pilipino."
Pinaalalahanan din niya ang UPB Class of 2024 sa kahalagahan ng paglilingkod, "Tumaya sa inyo ang sambayanang Pilipino. Bilang sukli, tinatawag kayo na habambuhay magbalik-tanaw sa kabutihang loob na ito sa pamamagitan ng tapat at mahusay na paglilingkod."
Tulad ni Robredo, binigyang diin din ni Francesca Dana Pangilinan (BA Social Sciences, summa cum laude) ang paglilingkod sa kaniyang mensahe bilang kinatawan ng mga nagsipagtapos. Sinabi ng class valedictorian at nag-iisang nagtapos bilang summa cum laude, na sa kanilang pamamalagi sa UP ay walang patid ang pagpapaalala sa kanila kung sino ang taumbayan—ang mga nasa laylayan ng lipunan, katutubong mamamayan, mga OFW, manggagawa, magsasaka, at mangingisda.
Sa kanilang pagtatapos, aniya, "we are called to the task of bringing service to our fellow Filipinos. … We are now called to the grassroots of society to observe and experience the daily struggles of the people, and this will be no easy feat." Hayag ni Pangilinan sa dulo ng kanyang talumpati, "Through the length and breadth of life, we uphold honor, excellence, and service of the nation, onwards and upwards."
"Small victories will always matter."—dating Senador Leila M. de Lima sa Baccalaureate Program ng UP Baguio noong ika-24 ng Hulyo.(Kuhang larawan ni Jonathan Madrid, UP MPRO)
Sa parehong araw, bago ang seremonya ng pagtatapos, ay naging panauhing tagapagsalita sa Baccalaureate Program si dating Senador Leila Norma Eulalia Josefa de Lima. Nagbahagi siya ng limang aral mula sa kanyang mga karanasan na inaasahan niyang makapagbibigay-inspirasyon sa mga magsisipagtapos: (1) hindi sila tunay na nag-iisa at laging may mga taong handang tumulong at umagapay; (2) ang bawat buhay ng tao ay mahalaga; (3) minsan iisang boses lamang ang kailangan upang marinig; (4) may pag-asa pa para sa ating bayan; at (5) ang pag-asang ito ay patuloy na mabubuhay kung pipiliin ang mga landas tungo sa ikabubuti ng lipunan.
Sa 411 na nagsipagtapos, 398 ang nagmula sa mga di-gradwadong programa at 13 sa mga gradwadong programa. Kasama ni Pangilinan sa listahan ng mga nagtapos nang may karangalan ang 66 na nagtapos bilang magna cum laude at 192 bilang cum laude.
Ang tradisyunal na lightning rally sa dulo ng programa ng Pagtatapos 2024 noong ika-24 ng Hulyo sa UP Baguio. (Kuhang larawan ni Jonathan Madrid, UP MPRO)
Ang pagpapakilala ni UP Baguio Tsanselor Joel Addawe sa panauhing pandangal ng Pagtatapos 2024 noong ika-24 ng Hulyo: si Atty. Maria Leonor "Leni" Robredo, ang dating Pangalawang Pangulo ng Pilipinas at kasalukuyang Tagapangulo ng Angat Buhay Inc. (Kuhang larawan ni Jonathan Madrid, UP MPRO)
Pagbigay ng maliit na bantayog Oblation ng mga nagsipagtapos sa kanilang mga magulang bilang pasasalamat sa walang humpay na suporta. (Kuhang larawan ni Jonathan Madrid, UP MPRO)
Si dating Senador Leila de Lima kasama si Tsanselor Joel Addawe ng UP Baguio bago magsimula ang Baccalaureate Program noong ika-24 ng Hulyo. (Kuhang larawan ni Jonathan Madrid, UP MPRO)
No comments:
Post a Comment