Limang taon makaraan, umupo si Duterte bilang pinakabagong kinatawan ng naghaharing-uri. Buung-buo noon ang kumpiyansa niyang sa ilalim ng kanyang pamumuno mapupulbos ang rebolusyonaryong kilusang pinanday ng limang dekadang pakikibaka – hanggang mausog na lamang nang mausog ang mga sariling taning kung kailan magtatagumpay ang brutal at maruming gera laban sa mamamayan. Ngayong wala nang isang taon ang nalalabi sa kanyang termino, ano ang kinahinatnan ng mga ibinulalas at kahambugan ni Duterte?
Ang rebolusyonaryong kilusang paulit-ulit na pinagbantaan ni Duterte ay, higit kailanman, nananatiling malakas at matatag. Bigo ang kanyang Oplan Kapanatagan at whole of nation approach sa kabila ng kaliwa't kanang paglulunsad ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO), Retooled Community Support Program (RCSP), Focused Military Operations (FMO) at malawakang kampanyang saywar at disimpormasyon. Lantad bilang pawang mga pampabundat ng mga upisyal-militar at iba pang alagad ng pasistang rehimen ang ECLIP, Barangay Development Program, PAMANA at iba't ibang huwad na sosyoekonomikong proyektong ilinulunsad kasabay ng mga operasyong militar.
Sa bawat taong lumilipas, naitutulak siyang higitan pa ang antas ng pasismo at terorismo dahil lalo lamang naglalagablab ang lahatang-panig na paglaban ng mamamayan. Taliwas sa mga pahayag niya at ng kanyang mga alagad na lumiliit na ang bilang ng Pulang Hukbo, humihina na ang rebolusyonaryong kilusan, marami nang larangang gerilyang napadapa at mga baryong wala nang NPA, naoobliga pa rin silang banatin ang pwersa ng militar at magpatuloy sa magagastos at matatagalang operasyong sumasaklaw sa maraming mga komunidad sa kanayunan. Dahil sa magiting na armadong paglaban ng mamamayan, patuloy na nahahatak sa mga gasgasang labanan at nabibigwasan ang demoralisado nang tropa ng militar at pulis.
Nitong Hulyo 10, matagumpay na naambus ng Jose Rapsing Command (JRC-BHB Masbate) ang karagdagang tropang ipinadala ng 9th IDPA sa Brgy. Rizal, Dimasalang, Masbate. Apat ang napaslang habang 17 ang sugatan sa tropa ng 9th IDPA. Noong Marso, nakasamsam ang Pulang hukbo ng mga armas mula sa 9th IBPA at PNP SAF nang matagumpay na mailunsad ng Armando Catapia Command (ACC-BHB Camarines Norte) ang iba't ibang aksyong militar sa Labo, Camarines Norte.
Mula 2020 hanggang unang kwarto ng 2021, mahigit 30 armas at marami pang gamit militar ang nasamsam ng Pulang Hukbo mula sa AFP-PNP-CAFGU. Mahigit 101 kaswalti sa hanay ng kaaway ang naitala mula sa iba't ibang taktikal na opensibang nailunsad.
Ang naabot ng Pulang hukbo sa iba't ibang larangan ay hindi magiging posible kung wala ang kanilang malalim at mahigpit na ugnayan sa masang anakpawis. Ramdam ito sa patuloy na paglawak ng baseng masa, pagsikad ng rebolusyong agraryo laluna sa panahon ng pandemya, pagsulong ng gawaing pangkultura, medikal at maraming iba pa. Sa loob ng limang taon, dinanas ng taumbayan ang pinakabrutal na gera laban sa kanila at pinakamasasahol na kundisyon ng lipunan. Ito ang higit pang nagtulak sa kanilang suportahan at lumahok sa makatarungan at makatwirang digma. Para sa kanilang kagalingan, ng kanilang mga komunidad at ng mga susunod pang henerasyon, higit nilang yinayakap ang armadong paglaban.
Sa nalalapit na pagtatapos ng termino ng pinakamasahol na pasista sa kasaysayan ng bansa, panata ng RJC-BHB Bikol sa masang Bikolanong higit na magpakahusay at maging masikhay sa pag-aaral at sa pagsasapraktika ng taktikang gerilya upang mabigwasan ang AFP-PNP-CAFGU, maipagtanggol ang masang anakpawis at maisulong ang armadong pakikibaka. Mapagpasya nilang ipagtatagumpay ang digmang bayan upang wakasan ang isang sistemang nag-aanak at nagpapahintulot sa pag-iral ng mga pasista at tutang tulad ni Duterte.
Hinihikayat ng RJC-BHB Bikol ang lahat ng nasa wastong edad, mayroong maayos na pangangatawan at pag-iisip at handang magsulong ng armadong pakikibakang sumapi na sa Bagong Hukbong Bayan. Hindi nagsasara ng pinto ang Pulang Hukbo kahit sa mga naliliwanagang elemento ng AFP-PNP-CAFGU.
Lumilipas ang lahat ng reaksyunaryo – kahit ang mga sagad-saring pasistang gaya ni Duterte. Ngunit nananatili at mananatili ang adhikain ng Bagong Hukbong Bayan at ng buong rebolusyonaryong kilusan – ang pagpapabagsak sa reaksyunaryong estado at iba pang instrumento ng naghaharing-uri, ang pagwasak sa malakolonyal at malapyudal na sistema ng lipunan, ang pagpapanagumpay ng digmang bayan at ang pagtitindig ng isang lipunang tunay na magtataguyod at magsisilbi sa interes ng masang inaapi't pinagsasamantalahan.
Talingkas sa pagkaoripon! Magkalda sa tingating!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Ibayong isulong ang digmang bayan!
No comments:
Post a Comment