Patuloy na lumalahok ang mamamayang Catandunganon sa demokratikong rebolusyong bayan upang, sa kagyat, ay ibagsak ang tiranong si Rodrigo Duterte at, sa kabuuhan, ay mawakasan na ang malakolonyal at malapyudal na lipunang kumakanlong sa malalaking panginoong maylupa, malalaking burukrata kapitalista at mga among imperyalista.

Hindi kailanman nakamit ng mga Catandunganon ang pag-unlad ng kanilang buhay sa loob ng limang taong paghahari ni Duterte o nang sinumang umupo sa reaksyunaryong estado ng mga naghaharing-uri. Walang katapusang pang-aapi at pagsasamantala lamang ang ilang salinlahi nang nakadagan sa kanila.

Mayaman ang prubinsya ng Catanduanes, ngunit hindi miminsang nawasak ang kanilang mga pananim at mga tahanan ng hagupit ng ilang daang mga bagyo at sakuna. Samantala, ang nangungunang kabuhayan nilang pag-aabaka ay hindi kailanman binigyan ng suportang nararapat. Sistematiko itong binansot at pinanatiling atrasado ng lipunang malakolonyal at malapyudal na higit na pinalala ng tiranikong rehimeng ito.

Para sa mamamayang Catandunganon, ang pag-upo ni Duterte ang nagdala ng higit na matinding krisis at kahirapan. Walang anumang programa ang rehimen upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan. Nang salantahin sila ng sunud-sunod na bagyo, maraming ari-arian at kabuhayan ang nasira. Ang abakang isa sa mga pinagkukunan nila ng kabuhayan ay matinding naapektuhan.

Hindi pa nakakabangon mula rito, tinamaan na naman ang prubinsya ng pandemya ng African Swine Fever (ASF). Kalakhan sa mga baboy nila ay pinatay kahit yaong hindi kontaminado nang walang sapat na kumpensasyon. Walang plano sa pamimigay ng ayuda at rehabilitasyon para sa kanilang kabuhayan. Bagkus sumalig pa ito sa dayuhang importasyon upang punuan ang kakulangan sa karne na lalong ikinalugi ng maliliit na hog growers.

Nang manalasa ang pandemyang COVID-19 lalong naging miserable ang buhay ng mamamayan. Dahil hindi pinagplanuhang mabuti ang pagpapatupad ng lockdown, marami ang nagutom at naghirap. Marami ang naobligang lumabas ng mga bahay sa kabila ng panganib upang magtrabaho at maghanap ng pagkain.

Sinalanta rin ang prubinsya ng kontrainsurhensyang kampanyang Oplan Kapanatagan. Basa ng dugo ng masang Catandunganon ang mga kamay ng mga mersenaryo. Kabilang sa pinaslang ng militar at pulis ang mga sibilyang sina Christopher Abraham, Lito Aguilar at magkapatid na alyas 'Greg' at 'Uno' na pinalabas na mga NPA na napatay sa mga gawa-gawang engkwentro.

Ngayon naman, napipinto ang pagtayo ng baseng nabal sa Catanduanes kung saan may mahigit 300 pamilya ang papalayasin. Ang itatayong instalasyon at katambal na dagdag na presensya ng militar at pulis ay tiyak na magsisilbi lamang sa kapakinabangan ng mga naghaharing uri sa pangunguna ng gubernador ng prubinsya at dayuhang mamumuhunan.

Ngunit gagap ng masang Catandunganon ang reyalidad – tunay na itinutulak ng kumakalam na sikmura ang mamamayan na lumaban. Wala silang ibang sasaligan kundi ang sarili nilang lakas. At ang lakas na ito ang nagbibigkis sa kanilang patuloy na pagsulong upang bigwasan at tuluyan nang mapabagsak ang rehimeng US-Duterte.

Nananawagan ang Nerissa San Juan Command – BHB Catanduanes na magkaisa ang lahat ng saray sa lipunan, kasama ang mamamayang Catandunganon, na singilin at pagbayarin ang rehimeng US-Duterte sa kainutilan nito. Huwag nang hayaang manatili pa sa kanyang pwesto at tuluyan nang pabagsakin ang kanyang paghahari. Higit sa lahat, patuloy na magpunyagi sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap na tagumpay. Tanging sa landas na ito mawawakasan ang mga tanikala ng pang-aapi't pagsasamantalang matagal nang gumapos sa masang Catandunganon at sambayanang Pilipino.

Magkaisa ang mamamayan!
Ipaglaban ang mga karapatan!
Isulong ang Digmang Bayan!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!


This free site is ad-supported. Learn more