LUNGSOD NG QUEZON -- Sa isang seremonyang isinagawa noong ika-31 ng Agosto bilang paggunita sa Buwan ng Wika, ang Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan o Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay ginawaran ng parangal na Selyo ng Kahusayan, Antas III ng Komisyon ng Wikang Filipino.

Ayon kay Dr. Arthur P. Casanova, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang nasabing parangal ay isang pagkilala sa mga ahensiya ng gobyerno na sumusuporta sa pagpapayaman ng kulturang Filipino sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino sa kanilang pagseserbisyo publiko. 

"Binibigyang pugay ang mga natatanging ahensiya at opisina na gumagamit ng wikang Filipino sa kanilang pagpapatupad ng mga programa, sa mga letra at iba pang opisyal na dokumento, sa mga publikasyon, sa mga polisiyang ginagawa, sa paglilimbag ng mga materyales, at maging sa iba pang pamamaraan ng komunikasyon sa publiko," ani Dr. Casanova

Dagdag pa niya,  "Ang inyong [mga bibigyan ng parangal] pagsusumikap na panatilihin at paigtingin ang paggamit ng wika ay hindi matatawaran at ito ay magiging pamana natin sa ating lahi."

"Maging likas nawa sa atin ang pagtangkilik sa ating wika bilang wika ang panukatan ng karunungan at kamalayan," pagbibigay diin ni Dr. Casanova.

Samantala, sa kanyang tugon na mensahe, isinaad ni Kalihim Rolando Joselito Bautista na, "Ang [selyo] ay hindi lamang testamento ng pagiging tapat sa serbisyo publiko, ito rin ay pagbibigay-kahalagahan sa pundasyon ng ating pagka-Filipino.  Ang paggamit ng wikang Filipino ay nagsisilbing tulay sa isang bansang multi kultural."

Ayon pa sa Kalihim, "Batid ng Kagawaran ang kahalagahan ng wikang Filipino sa pakikipag-ugnayan at pag-abot sa publiko, upang makapagbigay ng epektibong serbisyo sa mga kliyente nito.

Dahil alam ng Kagawaran ang kahalagahan ng paggamit ng sariling mga wika upang makasigurong mas maaabot ang Filipino saan mang dako ng Pilipinas, naging bahagi na ang paggamit ng wikang Filipino sa serbisyo publiko ng ahensiya, upang lalong maabot ang layunin na makapagbigay ng malinaw at naiintindihang impormasyon sa publiko.  Higit dito, ang wikang Filipino ay mahalaga sa pagtatatag ng maayos at may unawaang komunikasyon sa mga benepisyaryo at sa ibang lumalapit sa Kagawaran.

Batid din ng Kagawaran na ang bawat ahensiya o opisina ng pamahalaan ay may responsibilidad na pagyamanin ang kulturang Filipino, at ang pagtangkilik sa sariling wika ay isang pamamaraan upang gawin ito.

"Makakaasa ang lahat na patuloy na palalakasin ng DSWD ang paggamit ng ating sariling wika sa pagseserbisyo publiko," pagtatapos ni Kalihim Bautista. (DSWD)


This free site is ad-supported. Learn more