Labing-pitong taon makalipas ang malagim na masaker sa Hacienda Luisita, lalo lamang lumulupit ang pandarahas ng pasistang estado sa masang magsasaka laluna sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Ipinatupad ni Duterte ang isa sa pinakamadudugong gera laban sa magsasaka sa tabing ng pinaigting na kampanyang kontrainsurhensya ng militar at pulis sa kanayunan. Pakay niyang supilin ang paglaban ng masang magsasaka sa tangkang kumpletuhin ang neoliberal na pagwasak sa lokal na agrikultura at tuluyang ibukas ang malawak na kanayunan sa pandarambong ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista.

Isa ang Bikol sa pinuntirya ng gera kontra-magsasaka ni Duterte. Patunay dito ang nasa 214 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa rehiyon sa ilim ng kanyang termino, kung saan mayorya ay Bikolanong magsasaka. Gayundin ang daan-daang komunidad sa kanayunan ng rehiyon na kasalukuyang hinahagupit ng militarisasyon at brutal na kampanyang pamamaslang ng Joint Task Force Bicolandia. Para kay Duterte at Bicol Task Force to End Local Communist Armed Conflict, lahat ng magsasakang Bikolano ay impluwensyado, suportador o kasapi ng rebolusyonaryong kilusan at sa gayo'y lehitimong target ng karahasang militar ng AFP at PNP.

Binuhusan din ni Duterte ng patung-patong na pasistang atas ang rehiyon mula sa MO 32, EO 70-Whole of Nation Approach, militarisasyon sa ilalim ng Retooled Community Support Program, pinaigting na operasyong pulis, Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) at pekeng reporma sa lupa. Lahat ng mga ito ay nakatutok sa pagwasak ng kabuhayan, pang-aagaw ng lupa, pagbuwag ng pagkakaisa at pagsupil sa paglaban ng magsasakang Bikolano. Pinakamalinaw na indikasyon ng gera kontra-magsasaka sa rehiyon ang pagkakatala ng pinakamaraming kaso ng pampulitikang pamamaslang at masaker sa magsasakang Bikolano sa ilalim ni Duterte. Umabot na sa 12 ang kaso ng masaker sa rehiyon na mayroong 44 biktima. Pinakabago sa mga ito ang pagmasaker sa limang sibilyan sa Brgy. Bugtong, Mandaon, Masbate noong Oktubre 24. Liban pa rito ang daan-daang kaso ng iligal na pang-aaresto, peke at sapilitang pagpapasuko, pananakot, pambubugbog at iba pang paglabag sa karapatang tao.

Ang pasistang karahasang ito ang tanging pamamaraan ni Duterte upang lubusang maibwelo sa rehiyon ang pagpapatupad ng mga kontra-magsasakang patakaran mula todong liberalisasyon sa importasyon, malawakang kumbersyon ng lupang agrikultural at ninuno, walang habas na pagsipa ng presyo ng langis, iba pang batayang bilihin at pangangailangan sa produksyon at kasabay nitong mga mapaminsalang proyekto na tuluyang lulumpo sa kabuhayan ng mga magsasaka.

Hinahagupit ang Kabikulan ng matinding krisis sa kanayunan. Sa ganitong kalagayan, walang ibang dapat gawin ang magsasakang Bikolano kundi ang magkaisa't lumaban. Marapat na magsilbing inspirasyon ng masang Bikolano ang nagpapatuloy na pakikibaka ng mga magbubukid ng Hacienda Luisita para sa lupa, karapatan, hustisya at buhay. Higit nilang nararapat na ilunsad ang makatarungang digma na mula at pangunahing ay para sa kanila - ang demokratikong rebolusyong bayan. Wasto at makatwiran ang kanilang paghawak ng armas at pagtahak sa landas ng rebolusyon. Ito ang magpapabagsak sa pasistang estado at tatapos sa ilang dekada nang kawalan ng hustisya para sa masang magsasaka sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal.


This free site is ad-supported. Learn more