Tulad ng kanilang mga sinundan, walang ibang mandato ang mga bagong talagang punong hepe ng PNP na si Lt. Gen. Dionardo Carlos at ng AFP na si Lt. Gen. Andres Centino kundi ang pagpapatindi ng gerang mapanupil ni Duterte laluna sa Bikol. Nagsisilbi ang balasahang ito sa ibayong paghahasik ng karahasan partikular sa sibilyang populasyon upang tiyakin ang dinayang pagpabor ng halalang 2022 sa pangkating Duterte.

Malaki ang kriminal na pananagutan ng mga naunang pinuno ng AFP-PNP sa ilalim ni Duterte sa masang Bikolano. Sa hanay ng PNP, mula kay Bato Dela Rosa hanggang kay Guillermo Eleazar, walang patumangga ang pag-atake sa masa sa bisa ng mga pasistang atas ni Duterte tulad ng Oplan Kapanatagan, MO 32, Oplan Tokhang at gera kontra-droga at iba pang direktiba.

Idinulot ng mga ito ang pag-igting ng mga operasyon, pagdami ng pwersa at pagsahol ng brutalidad ng PNP at AFP sa Bikol. Sa ilalim ng pinatinding kampanyang kontrainsurhensya sa rehiyon, naging talamak ang pagtugis, lantarang pamamaslang at masaker sa masang Bikolano sa anyo ng mga nanlaban-patay o NPA-kaya-pinatay na mga operasyong Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations, Operation Manhunt Charlie, Focused Military Operations at iba pang joint AFP-PNP combat operations.

Lahat ito ay tiyak na masugid na ipatutupad nina bagong PNP Chief Carlos at AFP Chief of Staff Centino. Si Lt. Gen. Carlos ay dalubhasa sa maruming saywar at kampanyang disimpormasyon bilang tagapagsalita ng PNP sa ilalim ni Bato Dela Rosa. Gayundin, naipakat siya sa mga eryang, ayon sa PNP, may malakas na presensya ng rebolusyonaryong kilusan at doon nagpakabihasa sa paglabag sa mga karapatan ng mamamayan at paglulunsad ng brutal na atake sa sibilyang populasyon. Hindi nalalayo ang kasaysayan ni Lt. Gen. Centino na nagsilbing Philippine Army Commander-in-chief at matagal na nadeploy sa mga erya sa Katimuganh bahagi ng Pilipinas. Dito, naging bantog din si Centino at kanyang yunit, laluna ang 4th Infantry Division ss sala-salabat na kaso ng pang-aabuso at karahasan.

Ang muling pagpapalit ng pamunuan ay bahagi ng mga huling pagtatangka ni Duterte na iwasiwas ang kanyang maruming gera laban sa mamamayan. Dapat paghandaan at labanan ng mamamayang Bikolano ang tiyak pang pagtindi ng pasistang atake ng AFP-PNP sa Kabikulan. Dapat silang magpursige sa pagtatanggol ng kanilang mga komunidad at panagutin si Duterte sampu ng kanyang mga alagad na upisyal-militar at pulis sa lahat ng kanilang krimen.

Magsilbing babala kina PNP Chief Carlos at AFP Chief of Staff Centino ang matatag na armadong pakikibaka ng masang Bikolanong hindi natinag ng lahat ng naunang upisyales at nagdaang kampanyang kontrainsurhensya. Tulad ng reyd ng Pulang hukbo laban sa pulis pangkombat sa Camarines Norte, mga aksyong pamamarusa at isnayp sa Camarines Sur at Albay hanggang sa mga operasyong demolisyon at sapper laban sa tropa ng Retooled Community Support Program sa Masbate, tiyak ang patuloy na pagtugon ng BHB-Bikol sa panawagan ng masa na panagutin at kamtin ang paunang hustisya para sa mga biktima ng pasistang karahasan ng AFP-PNP sa Bikol.


This free site is ad-supported. Learn more