Idinedeklara ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Nobyembre 7, 2021 bilang Pandaigdigang Araw ng Paggunita para kay Ka Oris (Kasamang Jorge Madlos), dating kumander at tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at bayani ng sambayanang Pilipino.

Inaatasan ng PKP ang lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan na humanay at itanghal ang mga sandata sa tanghaling tapat, itaas ang bandila ng Partido at ng BHB at magbigay ng mahigpit na pagsaludo, sa pamamagitan ng pagbibigay pugay sa limang dekada ng rebolusyonaryong paglilingkod ni Ka Oris sa mamamayang Pilipino at sa demokratikong rebolusyong bayan.

Ang mga komite ng partido at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ay maaari ring magdaos ng lihim na mga pulong at asembliya kung saan maaari nilang basahin ang pagpupugay ng Komite Sentral at mag-alay ng mga talumpati at awitin.

Sa araw na iyon, inaatasan ng Partido ang lahat ng Pulang mandirigma at kadre ng Partido na palakasin ang kanilang loob na labanan ang paghahari ng terorismo ng kaaway laban sa mamamayan, at makibaka para kamtin ang hustisya para kay Ka Oris at sa lahat ng bayani at martir na brutal na pinatay ng mga pasista at teroristang estado. Ang kanilang sukdulang pagsasakripisyo para sa lahat ng inaapi at pinagsasamantalahang uri ay hindi hahantong sa wala.

Nararapat na gunitain si Ka Oris ngayong Nobyembre 7. Sa araw na ito, mahigit isang daang taon na ang nakalilipas nang ibinagsak ng proletaryado sa pamumuno ng mga Bolshevik ang burgesya sa Russia at nagbukas ng bagong yugto ng pag-unlad ng tao sa ilalim ng sosyalismo.

Tunay ngang si Ka Oris ay isang Pilipinong Bolshevik na nagsilbi sa interes ng uring manggagawang Pilipino at ibinigay ang kanyang buong buhay sa layunin ng proletaryong internasyunal. Mataas ang kanyang tiwala na ang mga proletaryong rebolusyonaryo sa buong mundo ay magkakaroon ng lakas at magbibigay liwanag sa landas para sa isang bagong pandaigdigang pag-usbong muli ng mga anti-imperyalista at sosyalistang pakikibaka.


This free site is ad-supported. Learn more