Ang mga guro ay itinuturing na pangalawang magulang ng mga estudyante kapag sila ay nasa paaralan. Bilang mga pangalawang magulang, kapakanan ng mga itinuturing nilang "anak" ang kanilang hangad, higit pa sa itinatakdang saklaw ng kanilang tungkulin o propesyon.
Kaya naman, naantig ang damdamin ng mga netizen sa Facebook post ng isang gurong si Sir Sunday Reyes, na nagtuturo ng asignaturang Mathematics sa Grade 5 ng M. Nepomuceno Elementary School, Division of Angeles City, sa Pampanga.
Ilang araw matapos ang muling pagbubukas ng mga paaralan at pagbabalik ng face-to-face classes ng mga estudyante noong Lunes, Agosto 22, napag-alaman ni Sir Sunday na may isa siyang "anak" na nangangailangan ng silyang de gulong o wheelchair upang patuloy na makapasok sa paaralan.
Makikita sa mga kalakip na larawan ng FB post ng guro ang pagkarga niya sa bata, gayundin ang apela sa mga may mabubuting puso, na sana ay mahandugan ito ng pambili ng wheelchair, o mismong wheelchair. Hindi umano kakayanin ng guardian nito ang pagbili ng naturang kasangkapan dahil sa kakapusan sa pera.
Sunday Santiago Reyes at estudyanteng PWD (Larawan mula sa FB ni Sunday Santiago Reyes)
Sa bagong update ng guro ay tila may mabuting puso naman ang kumasa sa kaniyang apela.
"Thank you po (emoji)," update ni Sir Sunday sa isa pang Facebook post noong Huwebes, Agosto 25.
"Salamat po may magdo-donate na po ng wheelchair sa aming masipag at masigasig na mag-aaral. Isang malaking regalo sa kaniya at sa kanilang pamilya ang mabigyan siya ng wheelchair."
"#Edukasyon ang susi sa karunungan at kayamanan na walang sino man ang makakuha," dagdag pa ng guro.
Taos-pusong pasasalamat ang handog ng lola ng bata, na siyang guardian nito, dahil bukod sa wheelchair ay bumubuhos rin ng pribadong mensahe para sa kaniya, upang makapag-abot ng iba pang uri ng tulong para sa apo, sa pamamagitan ng guro.
Estudyanteng PWD ni Sunday Santiago Reyes (Larawan mula sa FB ni Sunday Santiago Reyes)
"Hindi pa natatanggap ng kaniyang apo ang wheelchair pero sobrang saya at buong nagpapasalamat na si Lola (guardian) ng aming masigasig at masipag na mag-aaral (happy emoji)," ayon umano sa panayam ng Balita Online sa guro.
"Salamat po sa magdo-donate."
Sa panibagong Facebook post ni Sir Sunday noong Agosto 27, nilinaw niyang hindi niya intensiyong magpasikat o magpabida kaya ginawa niya iyon. Malinis umano ang kaniyang intensiyong makatulong sa kaniyang estudyante. "Relate" umano siya sa kuwento nito, dahil noong bata pa siya, ay nakaranas din siya ng matinding hirap.
"Sa totoo, naantig lang po ako sa student ko at kay lola. Routine ko na talaga kapag unang araw na makakasama ko ang aking mga mag-aaral talagang ikinukuwento ko ang buhay ko bilang batang mahirap na nangarap."
"Galing ako sa mahirap na pamilya na walang kakayahan makapag-aral. Pagkatapos ko ikuwento sa kanila ang buhay ko bilang batang nangarap napansin ko na may bata na mas hirap pa ang pinagdadaanan niya sa akin para makapag-aral. Praying na makapagtapos rin po siya."
"Gusto kong maging inspirasyon ang kuwento ko sa aking mga estudyante pero ako ang na-inspire," ani Sir Sunday.
Lola ng estudyanteng PWD ni Sunday Santiago Reyes (Larawan mula sa FB ni Sunday Santiago Reyes)
Sa mga nais magpaabot ng tulong sa bata, mangyari lamang daw na makipag-ugnayan kay Sir Sunday sa pamamagitan ng kaniyang Facebook account.
Saludo kami sa iyo, Sir Sunday!
No comments:
Post a Comment