Totoo nga ba, na hindi mo malalamang may mali sa ginagawa mo hangga't walang sumisita sa iyo?
Sinita ng mga awtoridad ang isang vlogger-TikTok user dahil sa ginawa nitong "ligo challenge" habang nagmamaneho ng kaniyang motorsiklo kasama ang isang kaangkas na babaeng kaibigan.
Dahil "naligo" na siya, ang "sabon" ay nagmula sa ilang mga tauhan ng Land Transformation Office sa Region XI matapos kastiguhin si Norme Garcia, mula sa Tagum City, Davao del Norte. Makikita sa kaniyang video na binuhusan siya ng tubig mula sa bitbit na balde ng kaniyang kaangkas, na nakasakay naman sa kaniyang likuran.
Larawan mula sa Balita Online
Ayon sa ulat ng Balita Online, nagtungo pa raw sa aktuwal na lugar ang investigation team ng LTO kung saan isinagawa ang video shoot. Inisa-isa umano ng mga awtoridad ang mga paglabag na ginawa ni Garcia, lalo na sa pagmamaneho. Hindi rin siya nakasuot ng helmet nang isagawa ang ligo challenge, gayundin ang kaniyang kasama.
Agad na humingi ng paumanhin sa pamamagitan ng Facebook post ang naturang influencer dahil umani rin siya ng kritisismo mula sa mga netizen dahil sa kaniyang ginawa. Handa umano siyang panagutan kung anuman ang kailangan niyang harapin sa LTO.
"Good evening mga pangga, Alam ko maraming nag-aantay sa statement ko about the ligo challenge. Pero kasi I want to settle it privately muna as of now. Tatapusin ko muna lahat privately before mag-post ng anything about it."
"I'm really willing to face any consequences about my actions kaya naki pag cooperate ako sa mga HPG and LTO. Thank you for your unending support and God bless," aniya sa FB post noong Miyerkules, Agosto 24.
Norme Garcia (Larawan mula sa FB ni Norme Garcia)
Sa isa pang hiwalay na Facebook post noong Huwebes, Agosto 25, sinabi ni Garcia na "lesson learned" para sa kaniya ang mga nangyari.
"May mga pagkakataon talaga na magkakamali tayo pero sa bawat pagkakamali natin may lesson, may purpose lahat ang mga nangyayari," aniya.
"Kahit may personal problem akong pinagdadaanan ngayon hindi ko pa rin kakalimutan na magpasaya."
"Ito lang, alam ko di lahat sang-ayon sa akin dito o masaya para sa akin and okay lang 'yun kasi I can't please everyone. May sarili kayong opinion and nirerespeto ko 'yan. Magandang umaga mga pangga."
Norme Garcia (Larawan mula sa FB ni Norme Garcia)
Umani naman ito ng iba't ibang reaksyon at komento mula sa mga netizen.
"Pauso pa more... influencer ka 'day, baka pamarisan ka pa ng iba."
"Tuloy lang ang karera natin sa buhay, importante wala tayong inapakan na tao, I want you to know isa ako sa napasaya mo."
"In every 10 actuations Norme, one false move.. 'yun ang makikita kadalasan ng tao. We live in a world where negativity always exists. It's a lesson learned. Our LIFE is always a WORK in PROGRESS... and don't forget, in every game, Spectators always make the noise, you as a player (should) know how to execute the game perfectly so PLAY ON..."
"Pag-isipan mo na lang sa susunod ang content mo. Make sure wala ka ring malalabag na batas o panuntunan."
"Next time mag-isip ka pang mabuti hindi yung may mai-content lang."
Samantala, wala pang update kung ano-anong mga parusa ang kahaharapin ng naturang vlogger.
No comments:
Post a Comment