Tradisyon na para sa mga batang Pinoy ang pangangaroling sa tuwing panahon ng kapaskuhan. Pagpasok pa lang ng "ber months", may mga nagsisimula na agad sa nasabing kaugalian. Ang pinakasikat na prop? Walang iba kung hindi ang improvised tambourine na gawa sa tansan!
Sa Facebook group na Memories of Old Manila, nag-post ang isa sa mga miyembro ng improvished tambourine na ang gamit lamang sa paggawa ay alambre at tansan. Ito ang "sandata sa karoling", aniya. Naka-relate naman ang marami at nagbalik sa nakaraan.
"Noong maliit ako, nangangaroling din ako," pagbabalik-tanaw ni E. Gando.
"My two friends (Bambie and Rorot) and I were able to buy lots of candies and saw a movie or two because of this....Good times!" pag-aalaala ni C. Abarientos.
"Ganiyan gamit namin noon, 25 centavos ang pinakamalaking bigay noon," kuwento ni J. Santos.
"Mga bata dito sa amin ganiyan dala nila 'pag nagkaroling," sabi ni M. Romero.
Pero kung may mga nag-enjoy, mayroon din namang mga nagkuwento na hindi nila naranasang mangaroling noong mga bata sila, bagama't batid nila na ginagamit ng mga nangangaroling ang improvised tambourine na ito.
Sabi ng miyembro na si A. Dhey, "'Di kami pinapayagan mangaroling noong mga bata pa kami. Ngayon ko lang po nakikita naa-appreciate 'yong joy ng mga batang kumakanta ng mga awiting pampasko at tumatapat sa mga bahay-bahay kahit 'yong iba mali-mali ang lyrics."
Ngayong nanay na siya, natutuwa raw siya kapag nangangaroling ang mga anak niya kapag Kapaskuhan, "Iba 'yong sarap sa puso lalo kapag mga anak mo na ang nagsisikanta. Gusto ko rin sana sila pigilan dahil puwede naman pong kami na lang ang mag-abang ng kakanta sa harap namin pero 'yong samahan nila ng kapwa nila mga bata, 'yong memories na madadala nila hanggang pagtanda nila, 'yon po ang 'the best' at hindi kaya bayaran ng pera."
No comments:
Post a Comment