Kung pinag-uusapan ang mga professor, ang isa sa mga tipikal na paglalarawan sa mga ito ay masungit o terr0r. Sabi ng ilan, naging tipikal na katangian na ito ng mga guro sa kolehiyo upang higit na tutukan ng mga mag-aaral ang kanilang edukasyon.
Ngunit sa isang trending Facebook post, pinatunayan ng isang estudyante na hindi lahat ng propesor ay idinadaan sa tough love ang mga mag-aaral niya.

Ibinahagi ng Facebook page na Note. ang screencap ng Twitter user na si Shaina.
Dito mababasa ang isang nakaaantig na mensahe ng propesor sa kanyang mga estudyante. Ayon sa prof na kinilala ng post bilang Sir Celso, ayaw niya raw magalit sa kanyang mga mag-aaral dahil ayaw na raw nitong makadagdag pa sa alalahanin ng mga batang hindi masaya ang pamilyang inuuwian.
"Hangga't maaari, ayaw kong magalit sa inyo kasi di lahat ng pamilyang inuuwian natin masaya," sabi ng Tweet na noong 2019 pa ngunit muling nag-viral ngayon sa social media.
Maraming estudyante ni Sir Celso ang nagkomento sa nasabing post. Ayon sa isang proud na naging estudyante ni Sir Celso, siya raw ay guro sa Baliuag University sa Bulacan.

Pagpapatunay ng mga dating mag-aaral ni Sir Celso, talaga raw kalmado ito at malawak ang pang-unawa sa kanyang mga nahahawakang estudyante. Nagbahagi pa ang isa sa mga ito ng iba pang words of wisdom ni Sir sa kanilang klase.
Hayag ng netizen na nagpakilalang dating estudyante ni Sir Celso, pinaalalahanan din umano sila ng propesor na huwag mainis sa mga jeepney driver na pahinto-hinto para makakuha ng pasahero. Unawain na lang din daw ang mga ito dahil kailangan din ng mga drayber na kumita.

Dagdag pa ng isa pang netizen na nagpakilala ring dating mag-aaral ng propesor, liban sa pagiging maunawain, lagi rin daw masaya sa klase ni Sir Celso. Kahit na madalas magbiro at magbigay ng aral sa buhay si sir, sigurado rin daw na matututo sila sa klase dahil mahusay din itong magturo.
Hindi naman naiwasan ng ibang netizen na mapa-sana all sa kabaitan ni Sir Celso. Naging inspirasyon din ang guro sa mga nangangarap na magturo. Saad nila, iba raw talaga ang nagagawa ng pagmamalasakit sa kapuwa.
No comments:
Post a Comment