Namamatanda o nanununo ka rin ba noong bata ka? Naranasan mo na bang madala sa isang magtatawas noong minsang nagkasakit ka?
Kabilang ang pagtatawas sa mga sinaunang paraan ng panggagamot sa Pilipinas. Madalas gawin sa mga probinsya at mga lugar na malayo sa sibilisasyon ang tumakbo sa isang magtatawas; lalo na kung mayroong iniinda na hindi gumagaling sa mga gamot na karaniwang ginagamit o hindi kaya sa tuwing may nagkakaroon ng karamdaman pagkatapos pumunta sa isang masukal na lugar o iyong mga pook na may kakaibang vibe, kumbaga. Sa katunayan, bukod sa probinsya ay may ilang magtatawas din sa lungsod, bagama't hindi kasing dami ng bilang ng mga nasa baryo.

Sa Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng maraming social media users ang mga alaalang may kinalaman sa pagpapatawas.
"'Naku, pinaglaruan 'yong apo mo ng duwende,' ito ang narinig kong sabi ng nagtawas sa akin noong bata pa ako. 'Di ko alam kung totoo. May uling pa na nagkorteng duwende," wika ni Evanz Cruz.
"Mayroon sa 'min dito magaling na magtatawas 'tsaka manghihilot. Bata pa lang ako kilala na siya rito. Talgang makikita mo 'yong korte sa tawas niya," kuwento ni April Mae Coja Miras.

Pag-aalaala naman ng isa, minsan ay lumabas pa sa tawas na nagulat daw sa manok ang bata kaya ito nilagnat.
"Naalala ko mga anak ko. Noong maliliit sila, lagi kong pinapatawas kay Apung Kiska. One time, ang lumabas ay nagulat daw ang anak ko sa manok. Nang umuwi na kami, ikinuwento ko kay Tatay. Aba'y nagalit! Galit sa nagtawas, bakit daw pati mga manok n'yang pansabong ay pinakikialaman!" natatawang sabi ni Emelita Caoleng Carpio.
Nakapagpatawas ka na rin ba noon? Naniniwala ka rin ba sa "kapangyarihan" o sa pagiging effective nito? Ibahagi ang iyong kuwento sa comments section!

No comments:
Post a Comment