Nagsilbing inspirasyon ang isang TikToker para sa brodkaster na si Korina Sanchez dahil sa pagiging positibo niya sa kabila ng pinagdaanang matinding hamon sa buhay.
Kuwento ni Sean Beltran sa vlog ni Korina, nagbago ang kaniyang buhay nang magkaroon siya ng malalang sakit sa buto na kalaunan ay nagresulta pa sa pagputol sa kaliwa niyang braso. Sa halip na panghinaan ng loob, nagtuloy lang si Sean sa kaniyang buhay at agad na bumalik sa dating gawi.
"Sobra akong inspired sa kuwento ng phenom Tiktokerist na si Sean Beltran ng Bataan. Malaki na ang kinikita from Tiktok. Kasi pogi and magaling sumayaw. Nakakatulong na sa pamilya. Biglang tinamaan ng kanser sa buto. Birthday niya, pinutulan sya ng braso," sabi ni Korina sa isang Instagram post.
Isang araw lang matapos ang kaniyang operasyon ay bumalik na ulit sa pagsasayaw si Sean.
"Pagkaputol na pagkaputol po nitong braso ko mismo, tumayo na po ako at nag-TikTok na po ako agad," sabi niya sa panayam kay Korina. "Ito po yung panibagong hakbang ko, panibangong pagbangon. Imbes na malungkot po ako, sumaya po lalo ako kasi nakaalis na po ako sa sitwasyon na hirap na hirap po ako," sabi niya.
Ngayon ay patuloy si Sean sa pagbabahagi ng content sa TikTok at tumatabo ng milyon-milyong views ang mga video niya. Sabi niya, ikinagulat niya ang matinding suportang natatanggap niya sa social media na siyang pinagkukuhanan niya ngayon ng kita.
"With over 35 Million views, itong si Sean tuloy tuloy ang tulong sa family nya. At pilit nilalabanan ang sakit," sabi pa ni Korina.
Binigyan din siya ni Korina ng P10k na gagamitin niya raw sa patuloy niya pagsailalim niya sa chemotherapy.
Kaya mensahe ni Korina sa mga netizen, bawasan ang pagrereklamo. "You and me? We've no right to complain about ANYTHING."
Panoorin dito ang buong video ng panayam ni Korina kay Sean.
No comments:
Post a Comment