How can I help fight gender-based violence?
Content Warning: This article contains mentions of violence and abuse.
Ang Gender-based violence (GBV) ay isa pa rin sa mga malalaking problema na kinakaharap ng Pilipinas. Ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority, humigit-kumulang nasa 18,000 na babae, edad 15-49, ang nakaexperience ng GBV kahit isang beses sa buong buhay nila. Ayon naman sa Philippine Commission on Women, ang violence against women (VAW) ay naging triple nang magsimula ang pandemya. Nakakabahala na ito, ngunit mas nakakabahala ang katotohanan na ang mga VAW cases na ito ay ang mga nai-report lamang. May mga kasong hindi nare-report nang dahil sa mga bagay na pumapalibot sa usapin ng GBV, tulad na lamang ng stigma at victim-blaming na natatanggap ng mga biktima ng GBV. Napapanahon na para may pagbabagong mangyari.
At ang pagbabagong 'yon ay magsisimula sa atin.
1. Aralin ang GBV
Tulad ng sa ibang mga bagay, ang unang dapat gawin ay alamin kung ano ang isyu at intindihin kung saan ito nanggagaling. Sa usapin ng GBV, ito ay karaniwang nagmumula sa konsepto ng gender inequality na kung saan ang isang gender (kadalasan, kalalakihan) ay tinitignan ang sarili bilang mas nakatataas sa iba. Kung ikaw ay isang lalaki, ang iyong pangunahing tungkulin ay intindihin kung paano nakakaapekto ang kapangyarihan o "power" sa paglaganap ng GBV. P'wede kang magbasa-basa ng mga libro at iba pang mga resources para maintindihan ang GBV at makita ang paglaganap nito sa ating kasaysayan.
Kung gusto mo ng mas "real life" na approach, p'wede kang tumingin sa iyong paligid. Kung saan ka man papunta — sa paaralan, halimbawa — buksan mo ang iyong mga mata at tenga at pagmasdan mo ang iyong kapaligiran. Sa pagsakay mo sa jeep, pagmasdan mo 'yong lalaki na nakaupo sa harap ng isang babae. Saan kaya nakatitig ang kaniyang mga mata? Siya kaya ay nakatingin sa dibdib ng babae? Maglakad-lakad ka sa kalye at pakinggan mo ang mga maaari mong marinig. 'Yun bang tambay sa eskinita ay nanipol at nagcat-call sa isang babae na naglalakad sa harap mo? Kapag naman kasama mo ang 'yong mga lalaking kaibigan, pansinin mo ang iba't ibang mga bagay na pinag-uusapan niyo. Kasama ba rito ang pagtingin sa mga litrato ng mga babae niyong classmates sa social media para hanapin kung alin ang "hot?"
Iba't-iba ang anyo at antas ng GBV. Kadalasan nating naririnig ang mga kaso ng rape at physical abuse, pero ang mismong paggamit ng salita o kaya non-verbal communication (halimbawa, paninipol) ay maituturing nang GBV. Ang tanong, kaya mo bang marecognize ang ganitong mga anyo at antas ng GBV? At sa panahong marecognize mo ang mga ito, ano ang gagawin mo?
2. Pigilan ang Paglaganap ng GBV
Sun illuminating an asian man in casual clothes gesturing stop with outstretched hand in a park
S'yempre, ang susunod mong p'wedeng gawin ay ang gamitin ang iyong boses at kapangyarihan upang pigilan ang GBV kung nasaan man ito at bago ito magsimula. Pero, mag-ingat at tignan mo muna ang sitwasyon, at pigilan ang GBV sa paraang ligtas para sa'yo at sa target ng violence. Halimbawa, kung ikaw ay makakakita ng isang lalaki na nagca-catcall o namboboso sa isang babae, i-call out mo sila. Bilang isang lalaki, ang iyong kapangyarihan at impluwensya sa lipunan ay mas higit sa iniisip mo. Sa simpleng pag-call out sa isang harasser sa isang pampublikong lugar halimbawa, ang boses mo ang magiging dahilan kung bakit ang isang babae ay maha-harass o magiging ligtas mula sa GBV.
Gano'n din kapag sarili mo na ang pinag-uusapan, lalo na para sa mga kalalakihan. Bilang isang lalaki na pinalaki sa isang "macho" o "patriarchal" na lipunan, maaaring sanay kang gawin ang mga bagay na hindi mo nare-realize na GBV na pala — tulad ng pagca-catcall at pagbibigay ng mga malalaswang komento (halimbawa: "Pssst, sexy, ganda ng p'wet mo ah!"). Kung nararamdaman mo nang ikaw ay magco-commit ng GBV, ngayon na alam mo na ang iba't ibang anyo at antas nito, mas maigi nang pigilin mo ang iyong sarili at humingi ng tawad. Ikaw mismo ay patuloy na magiging mas mabuting tao at magiging isang work in progress. Ipagpatuloy mo lamang ang pagpapabuti sa'yong sarili at sa kalaunan tumutulong ka na rin sa iba para pigilan ang GBV.
3. Turuan at hikayatin ang iba na labanan ang GBV
Sa pagtigil sa GBV, p'wede kang magsimula sa iyong mga kaibigan at barkada mula sa paaralan. Turuan mo sila tungkol sa iba't ibang anyo ng GBV at ipaintindi mo sa kanila na sila mismo ay maaaring tumutulong sa paglaganap at pag-normalize sa GBV. Sa pagtuturo sa kanila at sa pagpapa-realize sa kanila ng kanilang mga maling gawain, matutulungan mo silang magbago at makasama natin sa pagtigil sa GBV. Ang goal natin ay i-transform ang mga tao sa paligid natin, sa abot ng ating makakaya para magkaroon tayo ng mga safe spaces sa ating lipunan. Sa pagsisimula natin sa ating paligid na ginagalawan, tulad ng ating mga paaralan at lugar ng pinagtatrabahuhan, maaari itong lumaganap sa iba't ibang mga kabahayan na siyang babago sa mga komunidad.
Ang pagiging ally ay hindi nagagawa sa loob ng isang araw lamang. Hindi ka magigising isang araw nang isa ka nang ally. Hindi gano'n 'yon. Ang pagiging ally ay kumakatawan sa patuloy na pag-aaral at pagpapabuti sa sarili, pag-saway, at pagkilos. Gamitin mo ito bilang 'yong unang hakbang. Ang pinakamagandang panahon para magbago ay ngayon! Magsama-sama tayo na labanan at pigilan ang GBV at gawing mas ligtas ang ating komunidad para sa lahat!
Edukasyon.ph and No means No Worldwide is dedicated to offering a secure environment for everyone. If you are experiencing sexual and gender-based violence in the home, school, or workplace, please dial 911 emergency hotline immediately. The Commission on Human Rights (CHR) has also launched an online system where people can report incidents of GBV.
No comments:
Post a Comment