Matapos ang pinag-usapang video ng umano'y "pang-iisnab" sa kaniya ni Choco Mucho Flying Titans volleyball star player Deanna Wong nang makita niya ito sa isang sinehan, muling gumawa ng TikTok video ang netizen na si "Rajin Navarro" upang linawin ang mga pangyayari at depensahan na rin ang sarili mula sa pagkuyog ng fans nito.
Batay sa ulat kamakailan, matatandaang matapos maintriga ang koponan, si Wong naman ang naputukan ng intriga dahil nga sa ibinahaging video ni Navarro, na may caption pang ""Snobber ba talaga si Deanna? Kayo na bahala."

Mapapanood sa naturang viral video na nilapitan ni Navarro si Wong na nang mga sandaling iyon ay abala naman sa pakikipag-usap sa kaniyang mga kasama habang nasa counter na bilihan ng snacks.
Subalit kahit na makailang-ulit na tinawag ng uploader na siyang kumukuha ng video si Wong, hindi man lamang lumingon sa kaniya ang sikat na volleyball star player.
Lumingon lamang ito sa kaniya nang lumakad na ito palayo mula sa kanilang kinaroroonan, at makarinig ng sitsit.
Ngunit naging matiyaga ang netizen at muling kinuha ang atensiyon ni Wong. Kahit isang sulyap lamang daw ay okay na sa kaniya, subalit wala siyang nahita.

Dahil dito, umani ng katakot-takot na puna at pambabatikos mula sa mga netizen si Wong, na noon ay nasa bakasyon sa El Nido, Palawan kasama ang partner na si Ivy Lacsina at iba pang kaibigan.
Ayon sa ulat, si Ivy ay nangako sa partner na hinding-hindi ito iiwan at sasamahan ito sa kaniyang "laban"; hindi laban sa volleyball court kundi laban sa mga "mata at bibig na mapanghusga".
Kaya naman, ayon sa ulat ng Balita Online, naglabas ng pahayag si Navarro upang linawin ang mga tunay na nangyari sa likod ng pinag-usapang video.
"Deanna Wong 'yun, ganito lang oh, ganito lang 'yung agwat namin, hindi ba kayo lalapit? Kinausap niya naman ako, sabi niya 'Next time na lang daw,' sabi ko 'Wala nang next time, minsan lang ako lumuwas ng Maynila',"aniya.

Kung titingnan daw ang kaniyang TikTok account, ito ay naka-pribado na at hindi na basta-basta mapapanood ang kaniyang uploaded videos.
Umani naman ito ng iba't ibang komento mula sa mga netizen.
"Actually kasalanan mo 'to eh. Tapos ngayon aamin ka. Dapat sa'yo eh kinakasuhan ng disturbance to person's privacy. Dahil sa post mo, nagkagulo ang mga tao."
"Respect privacy!"
"The damage has been done. Kinuyog na ng mga tao si Deanna... sana nag-isip ka muna bago mo inupload 'yon."
"Kung gusto n'yo pansinin kayo ng PLAYERS, sa mga EVENT/LARO nila kayo pumunta, di yung aabalahin yung tao sa free time nila. Baka nga di kayo bumibili ng brand na nilalaruan ng player na 'yan eh. HIRAP TALAGA MAGING ISIP HAMPASLUPA."
"Kasalanan mo naman pala ate eh... pinagbawalan ka na nga, hinabol mo pa! Kakahiya ugali mo!"
Wala pang tugon, komento, o pahayag si Wong tungkol dito. Samantala, naglabas naman ng statement ang Choco Mucho Flying Titans sa kanilang Official Facebook page kaugnay sa naunang nag-viral na video na kuha sa Boracay kung saan nagsimula ang 'isnaban' issues sa kanilang players.

No comments:
Post a Comment