Ipinagbawal na ni Mayor Vico Sotto ang anumang uri ng online gambling sa Lungsod ng Pasig at binibigyan ang mga katulad na establisimyento ng hanggang isang taon para umalis sa kanilang lugar.
Sa pamamagitan ng Ordinance No. 55, s-22, na nilagdaan nitong Disyembre 23, mayroon na lamang hanggang Disyembre 31, 2023 ang mga pasugalan gaya ng pogo, online casino, online sabong, e-bingo at marami pang iba para tapusin ang kanilang operasyon at tuluyang lisanin ang lungsod.
Ang mga bago namang mag-a-apply pa lamang ng permit ay hindi na bibigyan ng lisensya, habang ang magre-renew ay hanggang katapusan na lamang ng 2023 ang validity, ayon sa alkalde.
Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Sotto na maraming masamang epekto ang naidudulot ng ganitong establisimyento.
"Wala naman tayong kakilala na pumasok sa e-bingo at lumabas na mas maganda ang buhay niya. Lahat yan, sumama ang buhay, may mga nalulong sa sugal," paliwanag ng opisyal.
Inihalimbawa niya rin ang isang pangyayari kung saan umano'y apat na beses na isinangla ng isang ginang ang kaniyang anak para lamang mabayaran ang utang dahil sa pagsusugal.
"Kawawa iyong tatay, pag-uwi niya galing trabaho o kung saan man siya galing, nagulat siya wala na yung anak nila. Because of this, siguro wake up call na hindi lang tayo basta may panukala pero itong panukala na ito ay kailangan natin ng sense of urgency," kuwento pa ng alcalde.
At para maging patas naman sa mga namumuhunan, binigyan niya umano ng hanggang isang taon ang mga naturang negosyante para maging makatao naman ang kanilang pamamaraan ng pagpapasara.
Hindi naman daw malaking kawalan sa lungsod ang P3-M taunang buwis na nakukuha nila mula sa gambling establishments kumpara sa magiging bunga nito sa kaniyang nasasakupan.
"Considering all the social ills and the negative effects, that is a very small price to pay for the city. For us, this is not about the revenue that the city can or will get. This is about preventing the social ills in the first place," paliwanag pa ni Sotto.
Panoorin ang buong panayam sa kaniya ng Headstart:
No comments:
Post a Comment