Isa ba sa mga sikretong pampaguwapo noon sa paaralan ang old school na styling gel?
Usong-uso noon sa mga kalalakihan ang paglalagay ng tinaguriang "numero unong pampaguwapo", ang old school na styling gel.
Sa napakaraming pagkakataon at okasyon, ito ang kasangga nila noon: sa tuwing papasok sa eskuwela, kapag manliligaw, o sa simpleng paglabas lamang ng bahay upang makihalubilo sa iba. Pasok ito sa budget anuman ang estado sa buhay. Kung hindi kayang bumili ng nasa bote, maaaring makabili ng tingi sa mga tindahan sa murang halaga lamang.

Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng marami ang mga sandali kung kailan hindi kumpleto ang kanilang porma kung hindi ito gamit sa buhok nila. Young's at Michael ang dalawa sa mga pinaka-popular na brand sa mga ito.
"Mga batang 80s, sino ang gumamit at nakakaalala pa nito?" tanong ni Alebrt Vlilasin sa caption nito.

Agad namang tumugon ang mga naka-relate na miyembro ng grupo. Halatang maraming bumalik na alaala sa kanila. Kuwento pa ng iba, kapag may ganito sila noon, big time o sikat na sila.
"Kami po, lagi po iyan, lalo na if may party or activities noong high school," sagot ng social media user na si M. F. Antonio.
"Styling gel, sikat ka noon kapag mayroon ka niyan," kumento ni E. A. Esmane.
"Nakaka-fresh ang kulay ng gel na 'yan. Sarap sa mata at ang bango-bango pa," wika ni F. P. Natarte II.

Bagama't hindi na gaanong nakikitang ipinagbibili ngayon at napakarami nang nagsilabasang "pampaguwapo", may mga nagsabi na hindi pa rin ito tuluyang nawawala. Sa katunayan, ang mga iba na nahiyang dito noon ay patuloy pa rin itong ginagamit hanggang sa ngayon.
Ikaw, gumamit ka rin ba ng styling gel noon? Ano-ano ang mga hindi mo makalilimutang alaala na kakabit na nito?
No comments:
Post a Comment