Sa unang araw ng Enero 2023 ay bumungad ang ulat na maraming domestic at international flight passengers ang naantala at na-stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil umano sa naganap na technical glitches sa air navigation system ng mga eroplano.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, kinailangang ayusin ng aviation security personnel ang technical glitches kaya naman marami sa mga pasahero ang nabalam sa kanilang pag-uwi, dahil kailangang habulin ang muling pagbabalik sa trabaho matapos ang holiday season.
Isa sa mga nagbigay ng reaksiyon at komento rito ay ang ALLTV news anchor at DZRH commentaries na si Anthony "Ka Tunying" Taberna.
Para sa kaniya, hindi sapat ang sorry lamang dito kundi dapat umanong magbitiw sa tungkulin kung sinuman ang may pananagutan sa "kapalpakang" ito, na nataon pa sa peak season.

"Sa pumalpak na Air navigation System.. Hindi sapat ang sorry dito. Wala bang magre-resign dyan? Wag na sanang hintayin na sibakin pa! Anak ng bakang dalaga!" saad ni Taberna sa kaniyang Instagram post.
Ayon sa ulat ng Balita Online, "something fishy" ang nangyari at parang may nais daw sumabotahe kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., kagaya raw ng isyung "tanim-bala" sa NAIA sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino.
Narito ang ilan sa mga komento:
"Sabotahe 'yan! Para isisi kay PBBM. Parang kay P-Noy yung tanim-bala, sabotahe rin siya."
"Maliit na problema lang po daw sabi ng CAAP spokesperson. System glitch in general term haha."
"Tama po, nakakahiya, unang araw ng taon palpak kaagad sana naman unahin muna yung mahalaga para hindi tayo nakakahiya sa mga ibang bansa."
"Grabe perwisyo nito peak season pa naman pa what a start sa new year sobrang nakakahiya eto graceful exit na lang sa mga me kasalanan."
Ayon sa Philippine Airlines o PAL, 116 domestic flights at 35 international PAL flights ang nakansela dahil sa naturang aberya.

No comments:
Post a Comment