Si Daniel Padilla ang napupusuan ng anak ni Mars Ravelo na gumanap bilang 'Captain Barbell' kung sakali mang magbalik-telebisyon ang sikat na Pinoy superhero.
Ayon kay Roberta Ravelo, sana raw ay muling bigyang-buhay sa primetime TV ng ABS-CBN ang mga superhero na nilikha ng kaniyang ama sa komiks noon gaya nina Captain Barbell, Lastikman at Dyesebel.
"Captain Barbell or Lastikman, sana 'yun nga. Pero sabi nila either Dyesebel or Captain Barbell. Kaya lang ang Dyesebel limited lang 'yung story nun, hanggang lang ng ilalim ng tubig nun," bahagi ni Ginang Ravelo sa ginanap na media conference para sa 'Darna' kamakailan.
Kung sakali man daw na 'Captain Barbell' ang isunod ng Kapamilya network sa magtatapos na 'Darna', sana raw ay si Daniel ang gumanap sa role na ginampanan sa telebisyon ni Richard Gutierrez noong 2011 para sa GMA.
Maliban kay Daniel, mas maganda rin umano kung leading-lady ng Kapamilya actor ang kaniyang girlfriend mismo na si Kathryn Bernardo.
"Magandang love team. Di ba kasi ikakasal sila. Malaki ang maitutulong nila sa Captain Barbell," wika pa ni Ginang Ravelo.
Kapag nagkataon, mapapabilang na si Daniel sa ilang aktor na nagbigay-buhay sa iconic Pinoy superhero na kinabibilangan nina Bob Soler(1964), Willie Sotelo (1965), Dolphy (1973), Edu Manzano (1986), Richard Guttierrez (2006, 2011) at Bong Revilla Jr. (2003).
Ang alter-ego naman ni Captain Barbell na si Enteng/Tengteng/Dario ay ginampanan na dati nina Dolphy, Carlos Padilla Jr., Herbert Bautista at Ogie Alcasid.
Para naman sa 'Dyesebel', maaari umanong gumanap dito si Janella Salvador, ang 'Valentina' na kalaban ni 'Darna' sa kasalukuyang teleserye.
Maganda raw kasi ang katawan ni Janella kaya bagay ito sa role ng sirenang si 'Dyesebel'.
Samantala, nakatakda nang magtapos ang 'Darna' ni Jane de Leon at puring-puri ni Ginang Ravelo ang production ng ABS-CBN.
"Talagang malaki ang ginawa ng ABS, malaking tulong. Talagang maganda ang pagkakagawa compared to others. So far, 'yun ang the best, number 1 talaga 'yung Darna," wika nito.
Inanunsiyo ng ABS-CBN noong isang araw na magtatapos na sa susunod na dalawang linggo ang 'Darna' na kasalukuyang napapanood sa TV5, A2Z, Kapamilya Channel, CineMo, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at TFC.
No comments:
Post a Comment