Nangako si Bimby na aalagaan ang kaniyang maysakit na inang si Kris Aquino at gagawin ang lahat ng makakaya para gumaling ito.
Dahil dito, humanga sa kaniya ang mga cohosts ng 'Ogie Diaz Showbiz Update' na sina Mama Loi at Tita Jegs.
Nakapanayam kasi ni Ogie Diaz si Bimby para kumustahin ang kalagayan ng tinaguriang 'Queen of All Media' na kasalukuyang nagpapagamot sa US. Nasa Amerika din si Ogie kaya sinamantala niya ang pagkakataon upang makumusta ang kaniyang 'Mareng Kris'.
Sa kuwentuhan nina Ogie at Bimby na ibinahagi You Tube channel ng una, tinanong ng talent manager kay Bimby ang estado ng kalusugan ng kaniyang mommy.
"OK naman…you know… stable. That's the good word for it: Stable lang, pero of course, still beautiful. Forever beautiful," sagot ni Bimby na tinutukoy siyempre ang kaniyang pinakamamahal na ina.
Kahit paano umano ay tumataas na rin ang timbang ni Kris dahil 103 pounds na ito ngayon, ayon pa sa anak niya kay James Yap.
"For me, kahit 80 pounds si mama, even if she was 80 pounds, she will still be the most beautiful mama ever para sa akin," pagtitiyak naman ni Bimby.
Bumilib din si Ogie sa mga anak ni Kris dahil talagang mga maka-nanay ang mga ito at mukhang napalaki nang maayos.
Inamin naman ni Bimby na talagang sobrang attached siya sa kaniyang mommy at mahal na mahal niya ito, at patuloy na mamahalin kahit pa mag-asawa na siya.
"I told nga mama, my wife will be the love of my world, si mama, love of my universe naman," pagbabahagi pa niya.
Ayon pa kay Bimby, personal niyang inaalagaan si Kris kahit pa mayroon na silang dalawang nurse at katunayan umano ay siya ang naka-duty sa gabi.
Nagpasalamat din siya sa mga fans ng kaniyang mommy dahil sa kanilang patuloy na suporta, pagmamahal at mga panalangin.
"Ako, I promise, as her son, to do everything I can to take care of her and to make her better," pagtitiyak pa ng bunsong anak ni Kris para sa mga tagasuporta ng kaniyang ina.
Humanga naman sina Mama Loi at Tita Jegs sa pagiging mature, mabait at mabuting anak ni Bimby.
Anila, "'Pag ganyan na magalang, mabait ang mga bata, parang masasabi mo na maganda ang pagpapalaki ng mga magulang, 'di ba?"
BASAHIN: Kris Aquino, may espesyal na Birthday 2023 AVP mula sa 'male best friend' na si Vice Gov ML
Panoorin ang buong vlog nina Ogie:
No comments:
Post a Comment