Inamin ni Joshua Garcia na simpleng buhay na lamang ang hangad niya ngayon matapos umanong matuto sa aral na iniwan ng nakaraang pandemya na naghatid ng pangamba at walang-katiyakang bukas sa bawat isa.
Dahil dito, ibinenta na raw niya ang dalawa sa kaniyang mamahaling sasakyan nang mapagtanto niyang hindi para sa kaniya ang mga ganung bagay.

Sa panayam kamakailan ng PEP.ph, ipinakita sa Kapamilya actor ang lumang larawan niya sa Instagram kung saan makikita ang kaniyang mamahaling bike na Triumph Bonneville T150.
"Wala, gusto ko lang i-flex yung bike ko, bakit? Yan yung mga time na motorista pa ako," lahad ng aktor.
Sa ngayon raw ay balik-motorista uli siya pero Vespa na lang ang kaniyang binili.
Aniya, "Parang gusto ko na laruan na motor lang. Parang gusto ko na nga mag-ride, e, kaya lang wala pa kong time ngayon."

Nahihirapan daw kasi siyang gamitin ang big bike dahil mahirap itong isingit-singit na lang basta-basta sa daan.
"Alam mo naman sa atin, napaka-traffic. So, para siyang kotse, kung traffic, traffic talaga, nakatigil ka lang diyan sa tirik na araw," kuwento ni Joshua.
"Bibili ka ng motor na maganda, hindi ko pala siya kailangan sa buhay ko. Sad. Alam mo nabenta ko yan (motor) na 79 kilometers pa lang ang takbo. Alam mo pinakamalayo kong napuntahan sa bike na yan? From Commonwealth (QC) to Mandaluyong," kuwento pa nito.

Bukod sa kaniyang mamahaling bike, ibinenta na rin daw niya ang kaniyang Dodge Challenger dahil 'mabigat itong dalhin'.
"Isa sa mga realizations ko yan. So after pandemic, nag-reflect ako, after ng mga realizations, tinanggal ko yung mga ganun sa buhay ko. Nagsimula akong maging praktikal na lang, kung ano lang yung kailangan ko," kuwento ng aktor.
Sa katunayan raw, naibenta niya ang kaniyang Dodge Challenger kahit 'di pa niya nauupuan ang harap at likod nito. Mabuti na lang daw naibenta niya ito sa presyo na pagkakabili niya kaya di na rin siya talo.

"Ginamit ko lang pampapogi, hindi pala nakakaguwapo," dagdag pa ni Joshua.
Kabilang din umano sa mga plano niya ay bumalik sa pag-aaral at tapusin ang kaniyang kursonng Entrepreneurship.
Sa ngayon, abala ang aktor para sa promotion ng pelikulang 'Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan' na mapapanood sa Amazon Prime simula sa Mayo pati na ang inaabangang teleserye na 'Unbreak My Heart' na kolaborasyon ng ABS-CBN, GMA at Viu Philippines.
No comments:
Post a Comment