"Walang pera, no problem!"
Hangang-hanga ang netizens sa hyperrealistic 3D artwork ng artist na si "RJrey Agones Burlat" mula sa Surigao del Sur, dahil tila totoong-totoong Philippine coins at bills ang kaniyang iginuguhit; at take note, naibebenta niya ito at doble o triple pa sa halagang ipinakikita nito!

Sa ulat ng Manila Bulletin, ibinida ni Burlat na ang mga ginagamit niya sa pagpipinta ay colored pencils, watercolors, markers, ballpoint pens, at airbrush.
Dagdag pa niya, mga pitong oras ang iginugugol niya upang makagawa lamang ng money artwork, na naikokomisyon naman sa kaniya sa mataas na presyo.
Nagsimula raw ang pangongomisyon niya noong nasa kolehiyo pa siya, at nang kumikita na siya rito, hanggang ngayon ay ipinagpapatuloy pa niya.
Sa isa sa mga Facebook post niya, ibinahagi niyang kumita siya ng ₱20k sa isang artwork na ang iginuhit niya ay bagong ₱1k-bank note.

"Ginawa ko ito tru hyperrealism drawing. Dahan-dahan sa paggaya sa tamang detalye at kung ano ang tamang kulay na dapat gayahin. Kung ano nakikita ng mata ko, 'yun ang gagayahin ko," aniya sa ulat ng Balita.
Bagama't abala rin siya sa kaniyang full-time job sa isang local government unit sa kanilang lugar, binibigyan pa rin niya ng oras, panahon at effort ang pagguhit, lalo na't side hustle din niya't napagkakakitaan.
"Narerelax po ako pag gumuguhit... parang 'yun ang laro ko. Hilig ko na, nawawala mga iniisip kong bad," paliwanag niya pa.
Sa panayam naman ng "State of the Nation" sa kaniya na mapapanood sa GTV ng GMA Network, sinabi ni RJrey na Grade 1 pa lamang siya ay talagang nakitaan na siya ng husay sa pagguhit.

Kaya payo niya sa mga kagaya niyang artists, "Gawin n'yo lang kung saan kayo magaling. Mag-share share lang kayo ng talent, makikita naman 'yan ng mga tao, na nag-iimprove naman ang art mo," aniya.
No comments:
Post a Comment