Inulan ng tulong mula sa concerned netizens ang isang estudyante mula sa Hinaplanon National High School sa Iligan City, Lanao Del Norte, matapos siyang i-flex ng kaniyang gurong nahabag sa kaniyang kalagayan, kaya naman nagpursigeng matulungan ito sa abot ng kaniyang makakaya.
Unang ibinahagi ni Ma'am Melanie Figueroa sa kaniyang Facebook post ang tungkol sa kaniyang mag-aaral na nawalan ng ina tatlong buwan matapos itong magsilang ng kambal na anak.
Ayon sa ulat ng Balita, ang tinutukoy ni Ma'am Melanie na mag-aaral na nagngangalang "Mike Rosal" ay napag-alaman niyang labis na nagtitipid sa kaniyang baon upang may maipambili ng sabong panlaba sa kaniyang nag-iisang uniporme.
"Masyado lang po natouch sa kuwento ng buhay nila. Masasabi ko lang na sobrang hirap nila to think na 'yong baon niyang 10 or 15 ay iniipon niya makabili lang ng sabong panlaba para malabhan niya ang uniform niya. Isa lang kasi ang uniform niya," pahayag ng guro.
"Nang makausap ko siya humihingi po siya ng black slacks kasi bukod sa gusto niyang may pamalit ay luma at may sira na po. Ang trabaho po ng tatay niya ay 'pananggot.'"
"Tuba at suka po ang kanilang produkto. Mas lalo po akong nahabag dahil kamamatay lang po ng nanay nila tatlong buwan matapos manganak ng kambal. Dito po mas lalo silang nahihirapan dahil po sa pang-araw-araw na pangangailangan sa gatas, diaper at iba pang needs ng kambal at iba pang mga kapatid."
"Walo po sila. Para po mas makatulong ako pinost ko po ang kuwento niya sa aking Facebook."
Nang ibahagi raw niya sa Facebook ang kuwento ni Mike, naging abala na raw ang kaniyang cellphone number at Messenger sa dami ng mga taong nais magpaabot ng tulong para sa bata.
"Nakakuha po ako ₱14,000 in just 20 minutes mula po sa mga kaibigan at dating estudyante. Nabilhan ko po ang kambal ng mga gatas at diaper pati na rin mga pangangailan nila sa araw-araw. Kaya lang po alam ko di pa sapat iyon at malamang sa mga oras na ito ay paubos na rin ito."
Mas lalong dumagsa ang tulong para kay Mike nang maitampok na siya sa iba't ibang programa sa telebisyon, at makapanayam mismo nang live ng news anchors, isa na rito sa "Lingkod Kapamilya" sa TeleRadyo nina Winnie Cordero at Bernadette Sembrano.
Ayon sa latest Facebook post ng guro, isang very private citizen mula pa sa Australia ang nakipag-ugnayan sa kaniya sa Messenger at nagpaabot ng tulong para kay Mike.
Kung tutuusin, hindi na bago kay Ma'am Melanie ang pagiging bayani sa kaniyang mga mag-aaral. Naitampok na rin siya noon dahil sa kaniyang "Laptop para sa Pangarap" na kaniyang adbokasiya noong panahon ng pandemya.
Naging "Teacher Santa Claus" din siya noong Pasko upang ipagkaloob ang Christmas wish ng kaniyang mga deserving na mag-aaral, ayon sa ulat ng DF News.
Sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong para kay Mike, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa social media account ni Ma'am Melanie.
No comments:
Post a Comment