Usap-usapan ngayon ang kumakalat na Facebook post ng nagngangalang "Adulpo Ampatuan" matapos niyang ibahaging tila nabudol siya ng isang online seller na nagngangalang "Gemma Magabo" dahil imbes na isang brand ng cellphone ang matanggap niya, isang ulo ng kambing na nakadila pa ang tumambad sa kaniyang harapan nang alisin niya ito mula sa pagkakaplastik!
"Sa mga nakakilala po kay Gemma Magabo nag-work sa Marikina, nag-order ako ng (Vivo) phone, ang dumating ulo ng kambing, humanda ka lang," mababasa sa caption ng kaniyang post.
Mababasa sa comment section ng post ang iba't ibang reaksiyon at komento ng netizens.
"Ay grabe ireklamo mo!"
"Sobra naman 'yan... masyadong mapanlamang sa kapwa! Ilaga at ulamin mo na lang yung ulo kung puwede pa LOL."
"Ireport mo na 'yan!"
"Legit ba 'yan?"
"Weh talaga ba?"
"Freebies lang 'yan. Nasa loob ng bibig yung phone at charger..."
"Meeee mooo ang dumating sa halip na Vivo LOL."
Pero totoo nga ba ito?
Kung talagang nagbabasa nang maigi ang mga netizen, malalaman nilang "It's a prank" lang!
Sa ulat ng Balita, napag-alamang magkakilala sina Adulpo at Gemma; sa katunayan, pareho silang taga-Ilocos at magpinsan sila.
Ang pamilya raw ni Gemma ay may negosyong kambingan.
Si Adulpo naman daw, nasa Quezon City para magtrabaho.
Hindi raw akalain ng magpinsan na sobrang papatok sa social media ang kanilang panggu-good time sa isa't isa.
"Katuwaan lang po. Magpinsan po kami ni Gemma. Yung family po nila, may kambingan," ani Adulpo.
Kung bibisitahin naman ang social media account ni Gemma, makikita rin sa Facebook post niya ang pagkaaliw niya tungkol dito.
"Pinsan mong siraulo, laro ka insan Adulpo Ampatuan..."
"Oh yung mga nauto d'yan. Nood naman (kayo) ng reels ko para mamonetized na account ko . May libreng kambing, may freebie sahog," aniya.
"Baka pagsasampalin ko pa 'yang mga followers mo ng iPhone14 promax fully paid," hirit pa ni Gemma sa pinsang si Adulpo.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 108k reactions, 107k shares, at 8.1k comments ang naturang FB post.
No comments:
Post a Comment