Kamakailan lamang ay naging usap-usapan sa social media ang Instagram post ng aktres na si Matet De Leon laban sa kaniyang inang si Superstar Nora Aunor o "Ate Guy", dahil kinumpetensya raw nito ang kaniyang negosyong gourmet tinapa at gourmet tuyo.

Ayon sa ulat, nagulat si Matet nang padalhan siya ng kaniyang inang si Ate Guy ng mga litrato ng bago nitong panindang produkto, na labis namang ikinagulat ng character actress.
Hindi napigilan ni Matet na ilabas ang kaniyang hinanakit sa social media.
"Would you do this to your children? HONOR THY FATHER AND MOTHER. HOW? How can I do that now? Ay, AMPON PALA AKO," saad ni Matet sa kaniyang Instagram post noong Disyembre 3.
Sinabihan pa raw siya na mag-reselling na lamang at huwag nang kompetensyahin ang kaniyang ina. Sumasama ang loob ngayon ni Matet dahil alam naman daw ni Ate Guy na may gourmet tinapa at tuyo na siyang ibinebenta; sumasabay pa ito.
"Noong isang gabi, sinabihan ako na na mag-resell na lang ng products ng nanay ko. Pinaghihirapan namin ang pagtitinda. Bakit all of a sudden, nagulat na lang ako, naglabas ang nanay ko ng direktang kumpitensya ng produkto ko."
"Alam niyang may produkto akong ganyan... marami naman daw akong taping. Ano sa tngin n'yo gagawin ko ngayon? Ano magandang gawin? Kung may anak kayo, GAGAWIN N'YO BA SA MGA ANAK NIYO TO?" tanong ng nagugulumihanang si Matet.

Marami naman sa mga netizen ang tila nagpayo kay Matet na intindihin na lamang ang ina at siya na lamang ang magpaubaya't magparaya.
Hindi na rin nakapagtimpi si Matet at nagsagawa ng live sa kaniyang YouTube channel noong Disyembre 4 ng gabi.
Dito ay ipinaliwanag niyang masamang-masama ang loob niya sa ina, sa kinakasama nitong si John Rendez, at sa kaniyang kapatid na si Kenneth, dahil alam naman daw nilang nauna sila sa naturang negosyo, pero ipinilit pa nilang tapatan ito.
"How do I feel about it? I feel very sad. I feel betrayed. Para akong trinaydor. Para akong… grabe, ampon na ampon 'yung pakiramdam ko ngayon, mga tol. Ang lakas makaampon ng ginawa nila. Ang lakas makaampon, damang-dama ko pagkaampon ko. Walang gagawa ng ganito sa anak nila. So, ibig sabihin nito, hindi talaga ako tinatratong anak. Hindi niya gagawin ito kung mahal niya kami, ngayon ko lang na-realize," umiiyak na pahayag ni Matet.
Nang sabihan siya umano ng isang netizen na ayusin na lamang ang gusot sa pagitan nila ng ina lalo't magpa-Pasko na, sinabi ni Matet na mukhang hindi na maaayos ito. Blocked na rin ang ina sa kaniyang social media.
"Parang hindi na ho, kasi hindi ko alam kung paano mo yan magagawa sa anak mo? Hirap na hirap kaming magkakapatid, hirap na hirap po kami. Ang ate ko, yung kuya ko, paulit-ulit na lang. Kapag may ginawa si Mommy sablay, tapos pumalag kami, sasabihin n'yo wala kaming kuwenta. Ano ba? Ano'ng gusto n'yong gawin namin dito? I don't understand."
"Para kaming nakatali, para kaming nakabusal na sinasampal-sampal n'yong lahat. Nakatali kami, wala kaming puwedeng gawin, nakabusal kami, wala kaming puwedeng sabihin, sinasampal-sampal n'yo kami, wala kaming kuwentang ampon," ani Matet.

Umaasam pa rin si Matet na sana raw ay malampasan niya ang pagsubok na ito sa kanilang pamilya.
Wala pang opisyal na pahayag o tugon ang kampo ng Superstar tungkol sa intrigang ito.
No comments:
Post a Comment