Naging paborito ng marami noon ang Island Biscuit Chocolate Wafer. Isa ka ba sa mga madalas bumili nito dati sa sari-sari store o sa grocery?
Labis na nakahiligan noon ng maraming Pilipino ang Island Biscuit Chocolate Wafer. Bata man o matanda ay tinangkilik ang biscuit na ito na naging sobrang popular lalo na noong dekada 90. Sa Facebook page na Klasik Titos and Titas of Manila, binalikan ng mga social media user ang mga alaalang kakabit ng classic na biscuit. Bukod sa masarap nitong lasa na nagustuhan talaga ng mga Pinoy, naging paborito rin ito ng mga bata dahil sa hitsura ng packaging nito.
"Diyos ko, tanda ko talaga ito, e, baon ko pa iyan noong kinder ako," pagbabahagi ng Facebook user na si Jhoi Dimaano.
"Nakikita ko ito sa mga kaklase ko noong Kinder," wika ni Beverly Sarmiento. "Akala ko libre, e 'di kumuha ako. Ayon, siningil si Lola noong sinundo ako sa school."
"Grabe, nakaka-miss ang lasa niyan," pag-aalaala ni Cla Raisins. "Ang sarap niyan i-partner sa Chocolait. Buhay na buhay ang canteen namin noong elementary dahil dito."
"Baon ko noong kinder ako noong 1985," ayon kay Tabitha Dorcas. "Gustong-gusto ko ang packaging dahil sa picture."
Mayroon ding nag-share na nagbalik-tanaw sa tamang pagkain nito. Sabi ni Michael Angelo Borja, "Alam mo ba tamang pagkain nito, per layer 'to, 'di kinakain nang buo hahaha para tipid tapos sabayan mo inom ng Zesto."
"Oh, guys, tama si Tito Michael, ganiyan tamang pagkain niyan hahaha!" wika ng admin ng page na nag-screenshot ng shared post ni Michael.
Samantala, mayroon din mga nagbahagi na hanggang ngayon, kahit pa marami nang masasarap at naiibang klase ng biscuit na ipinakilala sa mga Pilipino, ay nananatili pa rin na isa sa kanilang mga paborito ang classic na pagkaing ito.
Ikaw, ano-ano ang mga alaala ang ibinabalik sa iyo ng classic biscuit na ito? Hanggang ngayon ba ay tinatangkilik mo pa rin ang pagkaing ito?
No comments:
Post a Comment